Namatay sa loob ng Manila Police District-Integrated Jail ang isang mister na pumatay sa kanyang misis kamakailan, sa Sta. Cruz, Maynila.
Nakilala ang nasawi na si Noel Peralta, 38, suspect sa kasong parricide matapos mabaril at mapatay ang misis nitong si Virginia Peralta, 35, noong Agosto 31, 2008.
Lumalabas sa awtopsiya na ang sakit na tuberculosis ang sanhi ng kamatayan ni Noel sa selda. Wala namang indikasyong may foul play, lalo’t nag-iisa ito sa kanyang selda.
Aminado ang mga anak na babaeng may edad 14 at 15, na matagal nang maysakit na TB ang kanilang ama at posibleng nakaapekto pa sa baga nito ang pagtatangkang magpakamatay nang uminom ng ‘Zonrox’, isang disinfectant liquid cleaner.
Nabatid na inakala ng mga imbestigador ng Homicide Section, kamakalawa ng umaga na tulog lamang si Noel Peralta subalit hindi umano ito kumikilos kaya nilapitan ni Det. Dave Tuazon sa selda at nakumpirmang patay na ito.
Nabatid na nailibing na si Virginia sa Manila North cemetery noong Linggo habang ang bangkay ni Noel na nakalagak sa Universal Funeral Parlor ay ibibiyahe umano patungong Cagayan.
Humingi na rin umano ng tawad sa dalawang anak si Noel habang nakapiit, na nagsisi sa kanyang nagawa.
Nabatid na bago makitang patay ang biktima, may hawak itong Holy Bible na kanyang binabasa. (Ludy Bermudo)