Patay agad ang isang retiradong pulis makaraang tambangan at pagbabarilin ng pinaghihinalaang miyembro ng motorcycle gang matapos na maihatid ang kanyang anak sa paaralan kahapon ng umaga sa Parañaque City.
Nakilala ang nasawi na si Romeo Villaflor na nagtamo ng mga tama ng bala sa iba’t ibang parte ng kanyang katawan.
Nabatid na kasalukuyang lulan ng motorsiklo at pauwi na sana sa kanilang bahay ang biktima matapos na maihatid ang anak sa eskuwela nang harangin ito ng tatlong lalaking sakay din ng isang motorsiklo sa kanto ng New Guinea at Scotland Sts., Better Living Subdivision, Brgy. Don Bosco, dakong alas-6:25 ng umaga.
Lumalabas sa imbestigasyon ng pulisya, na kaagad umanong pinaputukan ng mga suspect matapos na harangin ang biktima. Nang duguang tumimbuwang ang biktima ay agad umanong kinuha ng mga suspect sa bulsa nito ang kanyang wallet na may lamang hindi mabatid na halaga ng salapi pati na ang dalang baril nito bago pa nagmamadaling tumakas ang mga huli sakay ng kanilang motorsiklo na hindi na nakuhanan pa ng plaka.
Sa pahayag ng ilang saksi sa pulisya, unang inihatid umano ng biktima sa eskuwelahan sa Better Living Subd. ang anak na si Rommel Andrew at pauwi na ang biktima sa kanilang tirahan sa Cairo St., Purok VI sa Brgy. Moonwalk nang harangin ng mga salarin.
Ilang mga nakasaksi naman sa pangyayari ang nagdala sa biktima sa South Superhighway Hospital subalit patay na ito nang idating sa pagamutan sanhi ng mga tinamong tama ng bala ng baril sa katawan. (Rose Tamayo-Tesoro)