Patay na nang idating sa isang pagamutan ang isang 2-anyos na batang babae matapos itong magtamo ng mga pasa at galos sa katawan kamakalawa sa Caloocan City.
Kinilala ang biktimang si Hazel Manalo, nakatira sa Phase 5, Package 5, Excess Lot, Bagong Silang ng nabanggit na lungsod. Kasalukuyan namang sumasailalim sa interogasyon ng mga pulis si Marivic Bayona, kapitbahay ng biktima na sinasabing dito iniwan ang biktima ng kanyang ina na nakilalang si Reynalyn Manalo.
Ayon sa imbestigasyon, dakong alas-3 ng hapon nang isugod ni Bayona sa nabanggit na pagamutan ang biktima dahil sa hindi malamang dahilan, kung saan ayon sa nakalap na impormasyon ng mga pulis nagtamo ang bata ng mga pasa at galos, na posibleng ito aniya ang isa sa mga dahilan nang pagkamatay nito.
Dahil dito, agad na inimbitahan sa himpilan ng pulisya si Bayona at hanggang sa kasalukuyan ay hindi pa rin nito maipaliwanag kung bakit nagkaroon ng pasa at galos ang biktima.
Napag-alaman pa sa mga awtoridad, naiwan kay Bayona ang bata ng ina nito na si Reynalyn noong Agosto 8, 2008 pero hindi na binalikan ang anak.
Habang sinusulat naman ang balitang ito ay hindi pa rin nagpapakita sa mga awtoridad ang ina ng bata habang patuloy na nagsasagawa ng masusing imbestigasyon ang mga awtoridad upang ang tunay na dahilan ng pagkamatay nito. (Lordeth Bonilla)