Dahilan sa hindi pagdalo sa paglilitis ng korte na naging dahilan ng pagpapawalang saysay sa kaso ng mga naarestong drug suspect, ipinag-utos na kahapon ni National Capital Region Police Office (NCRPO) Chief Director Geary Barias ang pagdidismis sa serbisyo laban sa limang pulis.
Kinilala ni Barias ang nasabing mga pulis na sina PO3 Rene Saul, PO2 Victor Aquino, PO2 Reyno Riparip, PO1 Estelito Mortega Sr., pawang kasapi ng Quezon City Police District (QCPD). Ang isa pa ay si PO2 Reynaldo Labon ng Regional Headquarters Security Group (RHSG).
Sinabi ni Barias na malinaw na nagpabaya sa kanilang mga tungkulin ang nasabing mga pulis at hindi umano katanggap- tanggap ang alibi ng mga ito na masyado lamang silang abala sa trabaho sa mga kasong kanilang iniimbestigahan.
Ayon kay Barias, nakapanghihinayang na nawalang saysay ang pagsusumikap ng nasabing mga pulis laban sa anti-drug campaign sa pag-aresto at pagkakasamsam ng droga matapos na hindi naman maipursige ang kaso laban sa mga ito dahilan sa kabiguan ng nasabing mga pulis na dumalo sa paglilitis ng korte.
Ayon kay Barias ang apat na nabanggit na arresting policemen ng QCPD ay nabigong dumalo sa paglilitis ng Regional Trial Court (RTC) Branch 82 kung saan nakasampa ang kaso laban sa mga suspect na sina Helen Roxas at Jessie Rosetes; pawang nahaharap sa Comprehensive Dangerous Drug Law.
Samantalang sa isinagawang ‘summary dismissal proceedings’ laban sa nasabing mga arresting officers ay tanging sina Mortega at Saul ang dumalo at isinumite ang kanilang mga ebidensya. Sinabi ni Barias na napatunayang guilty sa kasong administratibo ang nasabing mga pulis kung saan naunang inirekomenda ang 90 araw na preventive suspension laban sa mga ito pero sa isinagawang ebalwasyon ng NCRPO sa kaso sa naturang mga pulis ay napatunayang nagkasala ang mga ito sa kapabayaan sa tungkulin. (Joy Cantos at Danilo Garcia)