Nangholdap para may pang-birthday,timbog
Sa kulungan na magse-celebrate ng kanyang birthday ang isang binata matapos na masakote siya kasama ang kaibigan makaraang mangholdap na gagamitin sana sa kanilang pagseselebra, kamakalawa ng gabi.
Kasong robbery hold-up ang kinakaharap ngayon ng mga suspect na sina Reggy Lindo, ang birthday boy, pedicab driver, ng Cabildo St., Intramuros at kaibigan nitong si Epifanio delos Reyes, 20, ng Solana St., Intramuros, Maynila matapos silang ireklamo ng biktimang si Victor Aproda, 26.
Sa ulat ng pulisya, dakong alas-9:45 ng gabi ng holdapin umano ng mga suspect si Aproda sa Cabildo St., Intramuros, Maynila habang naglalakad ito papauwi. Tinutukan umano ng patalim ang biktima ng 2 suspect at pwersahang kinuha ang kaniyang cellphone at cash na P200 lamang.
Papatakas na ang mga suspect nang matiyempuhan sila ng nagpapatrulyang pulisya na nagresulta sa kanilang pagkakadakip.
Aminado ang dalawa na kaya sila nangholdap ay upang may magamit na panggastos sa selebrasyon ng kaarawan ni Lindo. (Ludy Bermudo)
- Latest
- Trending