Nagharap ng reklamo sa himpilan ng pulisya ang isang Japanese national matapos na mawalang parang bula ang kanyang isang milyong yen at P50,000 cash na itinago sa isang safety box habang naka-check in sa isang hotel sa Pasay City kahapon.
Umaabot sa kabuuang P.45 milyon ang umano’y nawawala sa biktimang si Akira Yamanaka, 73, matapos na ilagay nito sa loob ng safety deposit box ng Copacabana Hotel sa EDSA, Pasay kung saan siya pansamantalang nanunuluyan.
Base sa reklamo ni Yamanaka sa Pasay City Police, nag-check in umano siya sa Copacabana hotel noong Agosto 17 at ipinagkatiwala umano ang dalawa nitong P200,000 cash at isang milyong yen sa safety deposit.
Habang nasa bansa ay nagastos ni Yamanaka ang P150,000 cash at natira P50, 000 at isang milyong yen sa safety deposit box na huli niyang binuksan noon pang Setyembre 2. Sinabi ng turista sa pulisya na muli niyang binuksan ang deposit box kamakalawa lamang ng hapon at nagulat siya nang makitang limas na ang laman ng safety box.
Nabatid pa sa dayuhan na tanging siya at ang pamunuan lamang ng hotel ang may hawak ng susi ng safety deposit box kung kaya imposibleng mabuksan ito ng ibang tao. (Ellen Fernando)