Isang dahilan walang disiplinang paggamit ng cellular phone habang nagmamaneho sa pagtaas ng mga aksidente sa lansangan ng Quezon City, base sa pag-aaral na ginawa ng District Traffic Enforcement Unit.
Sa ulat ni Supt. Norberto Babagay, hepe ng Quezon City District Traffic Enforcement Unit (QCDTEU) kay Quezon City Police District director, Sr. Supt. Magtanggol Gatdula, “human error” ang madalas na nakikita nilang dahilan sa naganap na 78 aksidente sa lungsod.
Bukod sa paggamit ng cellphone, kabilang rin dito ang pagkain, pakikipagkuwentuhan o pagmamaneho ng lasing.
“Ang pagkahati ng atensiyon ng isang nagmamaneho tulad lamang ng pagti-text o paggamit ng cellphone ay ang madalas naming nakikita na sanhi ng mga aksidente sa mga lansangan,” ani Babagay.
Inamin naman ni Babagay na nahihirapan sila na ipatupad ang ordinansa ng lungsod na pagbabawal ng paggamit ng cellphone habang nagmamaneho. Sa kabila nito, nagsasagawa naman sila ng malawakang impormasyon upang mabatid ng mga motorista ang panganib nito.
Nabatid naman na nangunguna sa mga lugar na tamalak ang aksidente sa Commonwealth Avenue, EDSA, Araneta Avenue at Tandang Sora Avenue. Matatandaan na inilunsad kamakailan ang Commonwealth Avenue bilang “discipline zone” ng Quezon City Hall at Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) kung saan magpapatupad ng batas trapiko na kahalintulad sa Subic Bay Metropolitan Authority (SBMA) at Clark Base sa Pampanga.
Sinabi rin ni Babagay na nangunguna sa palusot ng mga driver ang masamang kundisyon ng kalsada, depekto ng kanilang sasakyan o masamang panahon ng dahilan ng kanilang pagkakaaksidente ngunit tinitignan ito ng pulisya na pangalawang factors lamang ang mga ito. (Danilo Garcia)