Klase sa ilang lugar sa MM sinuspinde
Sinuspindi kahapon ng Department of Education (DepEd) ang pang hapong klase sa elementarya at high school sa ilang bahagi ng Metro Manila dahil sa walang tigil na buhos ng ulan na naging sanhi ng pagbaha sa iba’t ibang lugar.
Ayon kay DepEd National Capital Region (NCR) Director Teresita Domalanta, dakong ala-1:30 ng hapon ng suspindihin ang pasok sa elementary at high school level sa Las Piñas habang dakong alas-2 ng hapon ng magdeklara na rin ang Taguig at Pateros na wala na rin silang klase sa nasabing level.
Sa Quezon City ay sinuspindi rin ang klase sa pang hapon klase sa Mines Elementary School dahil sa pagbaha bunsod na walang tigil na pagbuhos ng ulan.
Pitong eskwelahan naman sa Maynila and nagdeklarang wala ng pasok sa pang hapon na kinabibilangan ng Manila Science High School, Araullo High School, Roxas High School at Villamor High School.
Sa elementary naman ay wala na ring pasok sa Tañong, Longos at Tonsuya Elementary school.
Ayon pa kay Domalanta, kapag ganitong walang storm signal subalit malakas ang ulan ay nasa mga pamunuan na ng eskwelahan at local na pamunuan ng lungsod kung dapat ba nilang suspindihin ang kanilang mga klase upang hindi na malagay sa panganib ang mga estudyante. (Edwin Balasa)
- Latest
- Trending