2 suspek sa gang rape tiklo
Naaresto ng mga tauhan ng Mayor’s Complaint Action Team ang dalawa sa apat na suspek sa panggagahasa sa isang tinedyer sa Tondo, Maynila.
Positibong itinuro ng biktimang itinago sa pangalang Juliet ang mga suspek na sina Nikko Morales, 19, at Paul Pineda, 28, kapwa tindero at residente ng #330 Zabala St., Tondo.
Batay sa inisyal na imbestigasyon ng MCAT sa pamumuno ni Ret. Col Franklin Gacutan, inimbitahan ng apat na suspek ang biktima sa isang restawran upang kumain.
Makalipas ang ilang minuto ay bigla na lamang nahilo ang biktima hanggang dalhin at gahasain siya ng mga suspek sa isang liblib na lugar sa Wagas St. Tondo. (Doris Franche)
E-Blotter sinimulan
Sinisimulan nang ipatupad sa pulisya ng Quezon City ang programa nitong E-Blotter na, rito, naitatala at namomonitor sa pamamagitan ng computer ang mga krimeng madalas maganap sa lunsod. Kaugnay nito, hinikayat ni Quezon City Police District Director Sr. Supt. Magtanggol Gatdula ang mamamayan na ireport sa pulisya ang anumang krimen, malaki man o maliit o kahit snatching o pandurukot. Sa tulong anya ng E-Blotter, mapoproseso sa computer ang mga lugar na pinangyayarihan ng krimen para mapagtuunan ito ng kaukulang hakbang ng pulisya. (Danilo Garcia)
Buntis aayudahan
Pinatututukan ni Manila Mayor Alfredo Lim ang proyektong “womb-to-tomb” na tutulong sa mga babaeng buntis tulad ng libreng medical checkup at bitamina sa mga ito. Inatasan niya si Chief of Staff Ricardo de Guzman na makipag-ugnayan sa mga hepe ng mga satellite office upang malaman kung sinu-sino ang mga buntis na dapat na tulungan ng pamahalaang lunsod. (Doris Franche)
- Latest
- Trending