Metro Police alerto sa 9/11
Kasalukuyan nang nasa full alert status ang National Capital Region Police Office bilang paghahanda sa ikapitong taong paggunita bukas sa tinatawag na 9/11 attack sa United States.
Sinabi ni NCRPO Chief Director Geary Barias na mananatili ang kanilang full alert status dahil sa paggunita sa pananalakay ng teroristang Al Qaeda sa U.S. noong Setyembre 11, 2001.
Sinabi ni Barias na bagaman wala naman silang natatanggap na banta ng pag-atake ng teroristang grupo tulad ng Jemaah Islamiyah na kaalyado ng Al Qaeda at lokal na mga Muslim extremists sa bansa ay mas mabuti na ang nakahanda sa lahat ng oras.
Kabilang sa mahigpit na binabantayan ang US Embassy sa Roxas Blvd., Manila; Light Rail Transit; Metro Rail Transit; mga bus terminals, paliparan, simbahan, shopping malls, oil depot at iba pang mga matataong lugar.
Pinalakas rin ang police visibility patrol sa bisinidad ng palasyo ng Malacañang at iba pang mga pangunahing instalasyon ng gobyerno. Ang JI ang Southeast Asian terror networks na naitatag ni US public enemy #1 Osama bin Laden, pinuno ng Al Qaeda terror network na sinasabing nasa likod ng malagim na Setyembre 11 terror attacks sa World Trade Center at Pentagon District sa US. (Joy Cantos at Rose Tamayo-Tesoro)
- Latest
- Trending