IA reresbakan ng konseho
Takdang talakayin bukas ng Manila City Council ang hakbang o parusang dapat gawin laban sa mga opisyal ng Intramuros Administration na walang habas na pinaputol ang mga punongkahoy sa Plaza Roma sa tapat ng Manila Cathedral.
Ito ang nabatid kahapon kay 3rd District Councilor at Majority Floor Leader Manuel “Let-Let” Zarcal na nagsabing nagpasa na sila ng resolusyon na kumokondena sa pagputol ng mga nasabing puno kasabay ng rekomendasyon na dapat na kasuhan at parusahan ang mga namumuno sa IA.
Sinabi ni Zarcal na ang pagputol ng mga nasabing puno ay hindi lamang paglabag sa ecological preservation kundi kawalan ng respeto sa Konstitusyon ng Pilipinas na nagsasaad na dapat na kailangang protektahan ang karapatan ng bawat mamamayan na magkaroon ng malusog na kapaligiran.
Sinabi pa ng konsehal na marami nang henerasyon ang dumaan na sumabay sa paglago ng mga punongkahoy na nakatulong nang malaki sa kapaligiran lalo na sa Intramuros na may malaking bahagi sa kasaysayan ng Pilipinas.
Iginiit ni Zarcal na dapat munang gumawa ng konsultasyon ang pamunuan ng Intramuros bago isinagawa ang pagputol ng puno dahil posible ring makaapekto ito sa kinabukasan ng mga bata.
Tila anya hindi binibigyang-halaga ng IA ang mga punongkahoy na mas matanda pa sa kanila at isang biyaya sa mga Manilenyo. Kabilang sa mga punong pinutol ang Narra at Mahogany. (Doris Franche)
- Latest
- Trending