Patay ang isang 13-anyos na dalagita nang mabaril ng isang pulis na natakot makuyog ng taumbayan sa paghuli nito sa isang lalaking nagpanggap umanong pulis kamakalawa ng gabi sa Bolante II, Brgy. Pinagbuhatan, Pasig.
Ang biktima na hindi na umabot pa ng buhay sa Pasig General Hospital ay nakilalang si Rhodaly Ferrer, 13, grade 6 student at residente ng Bolante II Brgy. Pinagbuhatan ng nasabing lungsod.
Sumuko sa Pasig Police ang suspek na si PO3 Gerardo Javier ng Eastern Police District.
Lulan si Javier ng kanyang motorsiklo nang gitgitin ng isang motorsiklo rin na minamaneho ni Juan Cayabyab. Nagkaroon ng komprontasyon sina Javier at Cayabyab na nagpakilala ring pulis. Nang lumitaw na hindi talaga pulis si Cayabyab, tinangkang posasan ito ni Javier, pero naglapitan na ang mga tao sa lugar at sinabing police brutality umano ang kanyang ginagawa.
Naalarma si Javier hanggang hugutin niya ang kanyang baril at tutukan nito ang mga tao na gustong tumulong kay Cayabyab.
Pero aksidenteng nakalabit ni Javier ang gatilyo ng baril, pumutok ito at tu mama ang bala kay Ferrer.
Kumaripas si Javier nang takbo at sumakay sa isang taxi dahil na rin sa takot na makuyog habang mabilis naman isinugod sa pagamutan ang biktima subalit wala na itong buhay bago pa man sumapit sa nabanggit na hospital.
Kasalukuyang nakapiit ang suspek sa Pasig City detention cell makaraang kusang-loob na sumuko. (Edwin Balasa)