Muli na namang umatake ang mga miyembro ng “riding-in tandem” gang matapos na holdapin ang mensahero ng isang money changer at tangayin ang humigit-kumulang sa $40,000 na dadalhin sana ng huli sa kanyang amo, kamakalawa ng hapon sa Makati City.
Ayon sa ulat, isa sa dalawang armadong suspect ay pansamantalang itinago ang tunay na pagkakakilanlan habang isinasagawa pa ang manhunt operation ng mga awtoridad sa lugar na pinagtataguan nito at ng kanyang kasamahan..
Natukoy kasi sa photo gallery ng pulisya ang isa sa mga suspect na tumutok ng baril kung saan sinasabing ito ay kabilang sa mga “most wanted criminals” sa listahan ng National Capital Region Office (NCRPO).
Batay sa imbestigasyon, dakong alas-4 ng hapon nang mangyari ang nasabing insidente sa Inquimboy St., Pasay City.
Ayon sa payahag ng biktimang si Ernesto Vital, 44, stay-in messenger ng Tivoli Enterprises Money Changer, nakasakay siya sa kanyang asul na blue wave motorcycle na may plakang NQ-1818 upang ihatid niya ang salapi sa kanyang amo na nakatira sa Makati City.
Dito ay sinundan siya ng dalawang lalaki na magkaangkas sa isang kulay itim na big bike motocycle at pagsapit sa Inquimboy St., hinarang umano siya ng mga ito kung saan isa sa suspect ang tumutok sa kanya ng baril, samantalang ang isa ang kumuha ng salapi na nakatago sa kanyang knee cap.
Dahil sa takot, hindi na umano niya nakuhang manlaban sa mga suspect sa pangambang patayin siya ng mga ito. Ang mga suspect ay agad namang tumakas sakay ng motorsiklo patungong Taft Avenue, Pasay City.
Malaki naman ang suspetsa ng awtoridad na pinag-aralan ng mga suspect ang oras at araw ng paghahatid ng biktima ng salapi sa kanyang amo, kaya ito pinagplanuhan para matangay ang malaking halaga ng salapi.
Sa Maynila naman, tatlong armadong lalaki na magkaka-angkas din sa isang motorsiklo ang humoldap sa isang security agency kung saan natangay ang P1 milyon cash na payroll money kamakalawa ng hapon sa Tondo, Maynila.
Ayon kay Allan Terneo, 46, acting operation manager ng Ex-Bataan Security Agency, naganap ang insidente dakong alas-3:20 ng hapon, kamakalawa sa Yakal St., Tondo, Maynila.
Sinabi pa ni Terneo, abala umano sila sa opisina nang mabilisang pumasok ang dalawang armadong suspect at habang hawak ang baril ay nagdeklara ng holdap.
Tinangay umano ng mga suspect ang tinatayang P1-milyong pampasweldo sa mga tauhan ng ahensiya at agad na tumakas sakay ng get-away na isang motorsiklo na isang Honda Wave 125 (MG-3830) sa direksiyon ng Tayuman St. Hinihinala ng pulisya na inside job ang nangyari. (Rose Tamayo-Tesoro at Ludy Bermudo)