Nabahiran ng dugo ang kasiyahan sa isang birthday party makaraang isa ang masawi at dalawa ang nasugatan makaraang magwala at manaksak ang isa sa mga bisita kamakalawa ng gabi sa Valenzuela City.
Nakilala ang nasawing biktima na si Edgar Tipait, 54, construction worker, ng Block 7, Compound 3, Sitio Kabatuhan, Brgy. Gen. T. de Leon ng nabanggit na lungsod.
Kasalukuyan namang ginagamot sa nabanggit na pagamutan ang mag-amang sina Raymond Conge, 28; at Reynaldo Conge, 48, na nagtamo rin ng mga saksak sa katawan.
Pinaghahanap naman ang suspect na si Melvin Ybañes, 27, kapitbahay ng mga biktima, na ma bilis na tumakas matapos ang insidente.
Sa ulat ng pulisya, naganap ang insidente dakong alas-11 ng gabi sa bahay ng pamilya Conge sa naturang lugar habang isang kasiyahan ang nagaganap dahil sa nagdiriwang ng kaarawan ang anak ni Reynaldo na si Rea Mae nang biglang magwala ang suspect dahil sa matinding kalasingan. Agad nitong pinagsasaksak ang biktimang si Tipait at nang awatin ito ng mag-amang Conge ay sila naman ang inundayan ng saksak.
Matapos nito ay mabilis na tumakas ang suspek sa hindi natukoy na direksiyon habang ang mga biktima naman ay isinugod sa nabanggit na pagamutan ngunit hindi na rin umabot ng buhay si Tipait. (Lordeth Bonilla)