Sugatan sa ambush si Batanes Governor Telesforo Castillejos, habang nasa kritikal namang kondisyon ang driver nito makaraang pagbabarilin ng hindi pa nakilalang mga armadong kalalakihan na hinihinalang mga ‘hired killers’ ang behikulo ng opisyal kahapon ng madaling-araw sa Pasay City.
Sa press briefing sa Camp Crame, sinabi ni National Capital Region Police Office (NCRPO) Director Geary Barias, pulitika ang nangingibabaw na anggulo sa motibo ng ambush habang lahat ng anggulo ay masusi nilang sinisiyasat.
Aminado si Barias na mainit ang labanan sa pulitika sa Batanes kaya isa ito sa anggulong kanilang iniimbestigahan sa kasong ito.
Bandang alas-3:25 ng madaling-araw, ayon kay Barias ng maganap ang insidente may 30 metro ang layo sa Merville exit sa South Superhighway sa hangganan ng lungsod ng Pasay at Parañaque City habang patungo si Castillejos sa aiport upang umuwi sa Batanes kaugnay ng nakatakda nitong pakikipagpulong sa mga lokal na opisyal ng kanilang lalawigan.
Si Castillejos ay nagtamo ng tama ng bala ng cal. 9mm sa batok at kaliwang balikat habang ang driver naman nitong si Alberto Fatimo ay tatlong tama ng bala dalawa sa ulo, isa rito ay naglagos sa kaliwang bahagi ng kanyang mukha at isa sa balikat.
Nakaligtas naman ang anak ni Castillejos na si Dominic, 20, na nasa hulihang bahagi ng Mitsubishi Pajero na may plakang SPY-395 ng gobernador nang ratratin ng mga armadong kalalakihan na lulan ng SUV na hindi nakuha ang plaka.
Sinabi ni Barias na si Dominic ang nagmaneho ng sasakyan kung saan naunang isinugod si Governor at driver nito sa Parañaque Doctors Hospital pero inilipat rin ang mga ito sa Medical City sa Pasig City dakong alas-7:30 ng umaga.
Ang gobernador ayon kay Barias ay idineklara nang nasa ‘stable na kondisyon’ o maayos na kalagayan bagaman patuloy pa ring nakikipaglaban kay kamatayan ang driver nito.