Isang 3-anyos na batang lalaki ang nasawi matapos maatrasan ng isang SUV van na minamaneho ng isang Tsinoy, habang nagtatampisaw ito sa ulan, sa Binondo, Maynila kamakalawa ng gabi.
Nakilala ang nasawing biktima na si John Rey Galarita, ng #619 Muelle de Divisioria, Binondo, Maynila. Mismong ang nakasagasa na si Antonio Chua, 22, binata ng Catolico, Lagao, General Santos City ang nagsugod pa dito sa pagamutan subalit hindi na rin umabot nang buhay. Agad namang sumuko sa pulisya ang suspect.
Ayon sa ulat, dakong alas-6:30 ng gabi, kamakalawa nang maganap ang insidente sa panulukan ng Tabora at Muelle De Divisoria sa Binondo, Maynila.
Sa imbestigasyon, iniaatras ng suspect ang kanyang Nissan X-Trail (XPY-253) matapos manggaling sa Divisoria Mall ay hindi napansin ang maliit na batang nagtatampisaw sa ulan.
Nang may tila kung anong bagay na nabangga ang suspect ay bumama umano ito doon natuklasang naatrasan niya ang biktima kaya mabilis na dinala sa pinakamalapit na pagamutan.
Inihahanda na ang kasong reckless imprudence resulting in homicide laban sa nasabing Tsinoy.
Posible ring ipatawag ng pulisya ang mga magulang ng paslit dahil sa pagpapabaya sa biktima. (Ludy Bermudo)