MM todo bantay sa Ramadan
Mas pinaigting ng National Capital Region Police Office (NCRPO) ang pagbabantay at seguridad sa lahat ng Muslim communities sa iba’t ibang lungsod sa Metro Manila kasabay ng pagsimula kahapon ng Ramadan ng pananampalatayang Islam.
Ayon sa NCRPO, na binabantayan ngayon ang Maharlika Village ng Taguig, Quiapo, Bagong Silang ng Caloocan at Parañaque City kung saan matatagpuan ang maraming residenteng Muslim.
Nabatid kay NCRPO chief Dir. Gen. Geary Barias na simula kahapon ay nagpakalat ang kanyang tanggapan ng karagdagang pwersa sa mga Muslim areas, kasabay ng paglulunsad ng 24-oras na pagpapatrulya ng pinagsanib na pwesa ng civilian volunteers at mga miyembro ng kapulisan.
Nais lamang umanong matiyak ng NCRPO na walang makakalusot na pananabotahe at anumang kaguluhan sa gitna ng pag-aayuno o pagninilay ng mga Muslim residents sa Kalakhang Maynila sa panahon ng Ramadan.
Nangako naman ang pulisya na kanilang igagalang ang panahon ng pag-aayuno ng mga Muslim at iwasang magkaroon ng “collateral damage” sa nangyayaring kaguluhan sa Mindanao bagama’t tuloy pa rin ang opensiba ng militar sa apektadong lugar doon sanhi ng mga pag-atake ng ilang grupo ng Moro Islamic Liberation Front (MILF).
Ang Ramadan ay nagsimula kahapon at magtatapos ito sa Setyembre 29 kung saan ito ang panahon ng kanilang pagninilay, taimtim na pagdarasal at paghingi ng kapatawaran sa kanilang mga nagawang kasalanan. (Rose Tamayo-Tesoro)
- Latest
- Trending