Utak sa SuperFerry, Valentine’s day bombing, nasa Pinas na
Idineport na ng pamahalaan ng Bahrain pabalik sa Pilipinas ang isang pinaghihinalaang notoryus na terorista mula sa grupo ng Rajah Solaiman Movement (RSM) na may ugnayan sa Jemaah Islamiyah (JI) terror network na itinurong nasa likod ng SuperFerry 14 bombing noong 2004 at Valentine’s day bombing sa bansa noong 2005.
Sa ginanap na press briefing kahapon sa Camp Crame, iniha rap sa mediamen ng mga opisyal sa pangunguna nina Executive Director Fernando Mesa ng Anti-Terrorism Council, Bureau of Immigration and Deportation (BID) Commissioner Marcelino Libanan, PNP Directorate for Intelligence Director Dante Ferrer, PNP Intelligence Chief P/Chief Supt. Rolando Añonuevo ang nasakoteng suspect.
Kinilala ito na si Ruben “Omar “ Pestano Lavilla Jr., na matagal ng wanted sa batas. Sinabi ni Libanan na si Lavilla ay ipinadeport ng pamahalan ng Bahrain at dumating sa Ninoy Aquino International Airport dakong alas-10:50 nitong Sabado ng umaga kung saan idineretso ito sa Camp Crame.
Ayon naman kay Mesa, isang malaking dagok sa grupo ng RSM ang pagsasailalim sa proseso ng batas ang pagkadakip kay Lavilla.
Base sa rekord, sinabi ng mga opisyal na si Lavilla ay nasakote ng mga awtoridad sa Bahrain noong Hulyo 24 ng taong ito matapos na madiskubreng kabilang ito sa mga wanted na terorista sa ilalim ng Sanctions List ng United Nations Security Council (UNSC) 1267 Committee na kilala rin bilang Al-Qaeda at Taliban Sanctions Committee.
Sinabi ng mga opisyal na si Lavilla ay nahaharap sa mga kasong rebelyon sa Makati City Regional Trial Court (RTC) sa Makati City at multiple frustrated murder sa Cotabato City Regional Trial Court (RTC).
Sa tala ng mga opisyal, natukoy na si Lavilla ang utak sa SuperFerry 14 bombing noong Pebrero 27, 2004 na kumitil ng buhay ng maraming katao at ang magkakasunod na Valentine’s day bombing sa mga lungsod ng Makati, General Santos City at Davao City noon namang Pebrero 14, 2005 na ikinamatay naman ng 8 katao, habang ma rami pa ang nasugatan.
Ayon sa mga opisyal, nasakote sa Bahrain si Lavilla matapos na magtangka itong mag-loan doon kung saan sa isinagawang background checking ay nadiskubreng ito ang isa sa mga pinaghahanap na teroristang kasapi ng RSM
Samantalang nagawa naman nitong makapuslit sa bansa matapos nitong samantalahin na wala pang naipapalabas na warrant of arrest ang korte kaugnay ng kasong kriminal na kanyang kinakaharap.
Kasalukuyan nakapiit sa PNP-Custodial Center ang nasabing terorista. (Joy Cantos)
- Latest
- Trending