Patay ang isang vendor makaraang masaksak ito ng kanyang kaaway sa pamamagitan ng sarili niyang patalim matapos na maagaw sa kanya kahapon ng umaga sa Balintawak, Quezon City. Nakilala ang nasawi na si Jomar Diaz, nasa legal na edad at residente ng Letre, Caloocan City. Nagtamo ito ng iba’t ibang tama ng saksak sa katawan sanhi ng agad na kamatayan. Nadakip naman ang nakasaksak na suspek na si Francisco Noble, 26, ng Alaska Alley, Brgy. Bagong Silang, Caloocan City. Naganap ang krimen dakong alas-10 ng umaga sa Riverview Market sa may Old Samson Road, Brgy. Balingasa, Balintawak ng naturang lungsod. Nabatid na matagal na umanong may alitan ang dalawa at nagpanagpo sa palengke. Una umanong sumugod ang biktimang si Diaz na armado ng patalim ngunit nagawang makaiwas si Noble at makipag-agawan sa armas. Nagawang maagaw ni Noble ang patalim kay Diaz at paulit-ulit na inundayan ito ng saksak. Mabilis namang nadakip ng mga rumespondeng pulis at barangay tanod si Noble. (Danilo Garcia)