Magkasamang naglaho ang mag-inang katulong nang tangayin ng mga ito ang pera, alahas at cellphone ng kanilang amo sa Malabon City kahapon ng umaga.
Kasalukuyan namang pinaghahanap si Betty Baul at anak nitong si Jilmar, kapwa tubong Negros Oriental at pansamanta lang nanunuluyan sa kanilang among si Angelina Cruz, 47, sa Vicencio St., Niugan ng lungsod na ito.
Ayon sa ulat, dakong alas-6 ng umaga nang hindi na nagisnan ng biktima ang mga suspek. Nang hanapin ng biktima ang cellphone ay wala na ito gayundin ang isang pares ng gintong hikaw at cash na P3,000. Agad na nagsadya sa presinto ang biktima at ipinaalam ang naganap na pagnanakaw sa kanyang bahay sa nabanggit na lugar. (Lordeth Bonilla)