Nananawagan ang mga personnels at jailguards ng Manila City Jail kina Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) Director Rosendo Dial at Interior and Local Government Secretary Ronaldo Puno na agad na maglabas ng desisyon kung sino kina Supt. Emilio Culang at Supt. Hernan Grande ang lehitimong jailwarden ng nasabing piitan.
Naguguluhan na umano ang mga personnel sa naturang city jail dahil sa dalawa ang kanilang warden.
Kasabay nito, nagbanta din ang mga jail personnel na posibleng magsagawa sila ng tigil-trabaho bilang protesta kung hindi magpapalabas ng konkretong desisyon kung sino ba talaga ang kanilang dapat sundin.
Bunga nito, posibleng maapektuhan ang mga hearing ng mga inmates kung isasagawa ng mga jail personnel at jailguard ang kanilang bantang tigil-trabaho.
Lumilitaw na si Culang ay nag-oopisina sa warden’s office habang si Grande naman ay nag-oopisina sa conference o session hall.
Dahil dito, nangangamba din ang mga jail personnel na magkaroon ng tensiyon sa pagitan ng dalawang opisyal kapwa tumatayo ngayong warden ng MCJ.
Hanggang ngayon ay matigas ang paninindigan ni Culang na siya pa rin ang jailwarden ng MCJ at tumangging lisanin ang kanyang puwesto bunsod na rin ng umano’y ilang mali sa SO na ipinalabas ni Dial.
Nakalagay sa SO na ang pagpapatanggal kay Culang ay upang hindi umano maimpluwensiyahan ang imbestigasyon dito kaugnay ng naganap na riot noong Agosto 23.
Subalit nakasaad din sa SO na inalis si Culang noong Agosto 21, dalawang araw naman bago maganap ang riot na ikinasawi ng isang inmate na si Eduardo Mandap na siyang dahilan ng BJMP para palitan ang una.