Habang paparating sa Kalakhang Maynila ang bagyong si “Lawin” ay binalaan naman kahapon ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang lahat ng mga advertising companies o mga kompanya na nagmamay-ari ng mga higanteng billboards na nakakabit sa gilid ng mga pangunahing lansangan ng metropolis.
Ayon sa MMDA, mas mainam na ngayon pa lang ay baklasin na umano ng mga advertising companies ang kanilang mga higanteng billboards bago pa man ang paghagupit ng nasabing bagyo upang hindi na makapa-minsala pa ng buhay at mga ari-arian.
Ayon kay MMDA chairman Bayani Fernando na hindi na dapat pang antayin ng mga nagmamay-ari ng nasabing billboards na may masawing buhay o masisira munang ari-arian bago kumilos ang mga ito gayung batid naman umano ng mga ito kung kailan at gaano kalakas ang mga bagyo na inaasahang mananalasa sa Kalakhang Maynila. (Rose Tamayo-Tesoro)