Misis nagbaril sa bibig

Nasa  malubhang kalagayan ang isang 29-anyos na ginang matapos magbaril sa bibig dahil umano sa sama ng loob nang madiskubreng nambababae ang mister, sa Tondo, Maynila, ayon sa ulat kahapon.

Inilipat na kahapon sa University of Santo Tomas (UST) Hospital mula sa Mary Jhonston Hospital ang bik­timang si Ednalyn Intertas, residente ng  Velasquez St., Tondo, Maynila dahil sa tinamong bala ng kalibre .22 sa bibig na tumagos sa ulo.

Sa ulat ng pulisya, dakong alas-6:30 ng gabi kama­kalawa nang maganap ang tangkang pagpapatiwakal ng misis sa loob ng tahanan nito.

Base sa nakalap na  impormasyon ng imbestigador, ang pinagbatayan na dahilan ay ang pagsama ng loob sa pangangaliwa umano ng mister kaya ito nagbaril sa bibig.

Nabatid na unang isinugod sa Mary Jhonston ang biktima subalit dahil na rin sa kakulangan ng pasilidad, inilipat ito sa UST. Patuloy pang iniimbestigahan ang kaso. (Ludy Bermudo)

Show comments