Wasak ang sala ng bahay ng isang inhinyero makaraang pasabugan ng granada ng isang hindi pa nakikilalang lalaki kamakalawa ng gabi sa Quezon City.
Masuwerte namang walang nasaktan sa pamilya ng may-ari ng bahay na si Benjamin Ferrer sa Block 79 Lot 15 Flores de Mayo St., Lagro Subd., Brgy. Greater Lagro, ng naturang lungsod. Nabatid na natutulog sa ikalawang palapag ng bahay ang mga miyembro ng pamilya nang maganap ang pagsabog.
Sa inisyal na ulat ng Quezon City Police District-Explosive and Ordnance Division, naganap ang insidente dakong alas-11 ng gabi. Mabilis na tumakas naman ang suspek na naghagis ng granada sakay ng isang maroon na Tamaraw FX na hindi naplakahan.
Sa pagsusuri ng EOD, isang butas sa lupa ang nalikha ng naturang pagsabog habang nawasak ang pader at kisame ng sala ng bahay.
Narekober rin ng mga imbestigador ang safety pin at safety lever ng isang M-26 fragmentation grenade.
Kasalukuyan pa ring isinasailalim sa imbestigasyon si Engr. Ferrer upang mabatid ang posibleng motibo at makilala ang mga posibleng suspek na may motibo na paslangin siya. Inaalam rin ng mga awtoridad kung personal o may kinalaman sa trabaho ang naturang tangkang pamamaslang.