Tila nahihirapan ang mga doktor na magamot ang mga biktima ng maid na lumalason sa pinapasukan nitong mga amo. Hindi kasi matukoy kung anong klaseng lason ang ginamit ng suspek na hanggang sa isinusulat ito ay tumatalab pa rin ang bagsik sa mga biktima.
Kaugnay nito, isa pang nabiktimang amo ang lumitaw at kinilala ang suspek habang nakakulong ito sa selda ng Manila Police District.
Nagtungo sa MPD si Edwin Tan ng Brgy. Maharlika, Quezon City nang mabalitaan niya ang pagkakadakip sa suspek na si Anamie Livrando. Sinamahan siya ng mga tauhan ng Quezon City Police District.
“Ano’ng ginawa mo sa anak ko? Naghihirap pa rin siya sa ospital dahil sa lasong pinainom mo sa kanya!” galit na usisa ni Tan kay Livrando nang makaharap niya ito.
Sinabi ni Tan sa pulisya na si Livrando ay nagpakilala sa kanya sa pangalang Edna nang irekomenda ito ng katulong ng isa niyang kaibigan noong Hulyo 24.
Sa unang araw ng pagtatrabaho ni Livrando, tatlong lalaking empleyado ni Tan ang nanakit ang tiyan. Kasunod nito, nanakit ang tiyan ng walong taong gulang niyang anak na si Elaine makaraanng uminom ng gatas. Hinihinala ni Tan na nilagyan ni Livrando ng lason ang pagkain ng kanyang mga tauhan at ang gatas ng kanyang anak.
Sinabi ni Tan na hindi siya interesadong mabawi ang mga ninakaw sa kanya ni Livrando. Nais lang niyang malaman kung anong klaseng lason ang ginamit nito para matukoy ng mga doktor kung ano ang mas mainam na gamot para sa kanyang anak.
“Maawa ka sa anak ko. Kung makikita mo lang ang paghihirap na nararamdaman niya hanggang ngayon sa kanyang sakit na dulot ng lason,” pagsusumamo ni Tan sa suspek.
Iginiit naman ni Livrando na hindi niya alam kung anong klaseng lason ang iniabot sa kanya ng sindikatong pinamumunuan ni Rosita Manabat para sa mga biktima.
Naunang pinabulaanan ni Manabat ang akusasyon makaraang madakip si Livrando sa bahay nito sa Project 7, Quezon City. Si Manabat ay residente ng Macabebe, Pampanga.
Isa pa sa among nabiktima ng maid na si Alexander Pua. 10 araw nang nakaratay sa ospital ang isa niyang anak makaraang malason sa pagkaing inihain ng suspek.
Ayon sa mga doktor, isang uri ng pestisidyo ang inihalo sa pagkain ng biktima.