Isang bilanggo ang nasawi habang isa pa ang nasugatan sa naganap na riot kahapon sa loob ng Manila City jail sa Sta. Cruz, Maynila.
Nalagutan ng hininga bago naisugod sa Jose Reyes Memorial Medical Center sanhi ng isang tama ng bala sa batok ang biktimang si Eduardo Mandap, 28, ng #753 Int. 55 Raxabago St., Tondo Maynila
Kinilala naman ang nasugatan na si Joey Saclao, 44, ng 757 E. Mapia st. Tondo.
Nagsimula ang riot dakong alas-3:20 ng hapon nang magsagupa ang Commando Gang at Bahala na Gang.
Nabatid na oras pa ng dalaw ng mga bilanggo nang bigla na lamang magkagulo at sumiklab ang riot sa pagitan ng dalawang gang. Matapos ang riot, bigla na lamang bumulagta ang dalawang biktima.
Habang isinusulat ito, hindi pa rin makumpirma kung ang dalawang bilanggo ay miyembro ng Bahala na gang o Comando gang. Ito ay dahil sa pagtanggi ng pamunuan ng Manila City Jail na magbigay ng detalye kaugnay sa nasabing riot. (Gemma Amargo-Garcia)