Sasampahan ng kasong malversation of public funds at perjury ng isang grupo ng mga negosyanteng naka-base sa Makati City si Bureau of Customs (BoC) Commissioner Napoleon Morales at iba pang opisyal ng Aduana na nagbulsa ng malaking halaga ng salapi bilang pabuya sa kanilang sarili matapos lumagpas umano sa target ang kanilang koleksiyon sa buwis noong taong 2006.
Ayon kay Jess Arranza, pangulo ng Federation of Philippine Industries (FPI), nagsinungaling umano si Morales nang ihayag nito na kinatigan ng Korte Suprema ang pagkakaloob nila ng pabuya sa kanilang sarili matapos lumagpas ng mahigit P2 bilyong piso ang kanilang koleksiyon sa buwis noong taong 2006.
Ipinaliwanag ni Arranza na ang tanging kinatigan ng Mataas na Hukuman ay ang legalidad ng umiiral na Lateral Attrition Law na nagbibigay ng pabuya sa mga opisyal na nagtrabaho ng husto upang lagpasan ang target collection.
Sinabi ni Arranza na malinaw na mali at tiwali ang pamamaraang ginawa ni Morales nang bigyan nila ng pabuya ang kanyang sarili matapos lumagpas ng P2.695 bilyong piso ang kanilang koleksiyon noong taong 2006.
Sa datus na iniladlad ni Arranza, kinolekta umano ni Morales ng advance o higit na maaga ang P2 bilyong buwis sa mga kompanya ng langis noong taong 2006 sa halip na singilin nila ito sa susunod pang taon kaya’t lumagpas ang kanilang target collection.
Bukod dito, nagdeklara umano si Morales ng malaking koleksiyon sa buwis sa pag-aangkat ng bigas ng National Food Authority (NFA), gayung “tax free” o wala naman umanong dapat bayarang buwis ang naturang ahensiya. Sinabi ni Arranza na kinailangan nilang umaksiyon sa naturang katiwaliang nagaganap sa BoC dahil nagbigay na ng pahayag si Morales na muli nilang bibigyan ng pabuya ang kanilang sarili dahil lumagpas na muli ang kanilang koleksiyon sa itinakdang target.
Nangangamba ang mga negosyante na baka maging halimbawa na sa iba pang mga opisyal ng pamahalaan na nakatalaga sa pagkolekta ng buwis ang tiwaling pamamaraan ni Morales at gawing gatasan na lamang ang umiiral na batas. (Lordeth Bonilla)