Nagselos na pulis nag-‘Rambo’

Bunga ng matinding pani­nibugho sa dating live-in partner, isang pulis ang nagwala at nanratrat ng sasakyan ng karibal nitong sundalo, kamakalawa ng gabi sa Pasay City. Ang sus­pect na kinilalang si PO1 Virgilio Estrada, 40, naka­talaga sa 2nd Police Center for Aviation Security sa Domestic Road, Pasay City ay pormal na isinuko sa  pulisya ng kanyang su­perior officer na si P/Insp. Felix Chavez, kahapon, da­­kong alas-2 ng mada­ling-araw .

Ayon sa ulat, ang insi­dente ay naganap alas-10:45 ng gabi sa tapat ng ERF Canteen & Videoke Bar na nasa 37 BAC-1-11 St., Don Carlos Village ng nabanggit na lunsod.

Napag-alaman na ang suspect ay dating live-in part­ner ang isang stay-in waitress sa nasabing vi­deo­ke bar na si Lilibeth To­losa, 22, at nagkaroon ng isang anak na lalaki noong nakaraang 2006.

Dahil sa pagmamalupit ng lalaki, nakipaghiwalay si Tolosa sa suspect at nag­ka­roon ng relasyon kay Army Sgt. Ernesto Cartalla na nakatalagang sundalo sa Fort Bonifacio, Taguig City.

Hinahanap umano ng suspect si Sgt. Cartalla sa loob ng videoke bar pero nang hindi makita, luma­bas ang una at pinagba­li­ngang pagbabarilin ang na­kaparadang puting Toyota Corolla XL ‘Tomik trans’ taxi na may plakang PWW-958 na pag-aari ng huli.

Matapos ang pama­maril,   tumakas ang sus­pect lulan ng isang kulay puting taxi na may plakang TYA-139 dala ang .45 ka­libre ng baril na ginamit nito sa pamamaril sa nagka­butas-butas na sasakyan ni Sgt. Cartalla. (Rose Tamayo-Tesoro)

Show comments