Hinatulan ng habambuhay na pagkabilanggo ng Quezon City Regional Trial Court (QCRTC) ang apat na kidnappers kaugnay sa pagdukot sa isang 15-anyos na dalagita anim na taon na ang nakakaraan.
Ang mga nasentensiyahan ay sina Joseph Randy Mendoza, 38; Maria Victoria Acuatin, 44; at Joselito Mortega, 37, samantalang ang ika-apat na suspek na si Nelson Pilar ay namatay sanhi na ng sakit habang nakapiit sa Las Piñas City Jail.
Si Pilar ang driver ng pamilya ng biktima. Napatunayan ng korte na si Pilar ang tumayong tipster sa pagdukot sa biktimang si Kathleen Pacquing, na ngayon ay 21-anyos na.
Matatandaang, si Pacquing ay dinukot ng grupo ng mga armadong kalalakihan noong nakaraang Hulyo 23, 2002 sa New Manila, Quezon City at saka binihag sa loob ng pitong araw sa Imus, Cavite.
Pinawalan din ng mga suspek ang biktima nang pumayag ang pamilya nito na magbigay ng ransom money at kabilang ang isang kotseng Honda.
Dalawang araw makaraan ang naganap na pay-off, naaresto ng mga operatiba ng Police Anti-Crime and Emergency Response (PACER) ang mga suspek sa ka nilang hideout sa Imus, Cavite. (May ulat ni Joy Cantos)