Naibebenta umano ang privilege protocol plate number 8 sa halagang P200,000.
Ayon kay Land Transportation Office (LTO) Chief Alberto Suansing, ito ay kanyang nalaman nang ipabusisi niya ang tungkol sa naturang protocol plates na sinasabing naibebenta sa mga kilalang personalidad.
Bunsod nito, sinabi ni Suansing na kanya nang pina-iimbestigahan ang katotohanan ng balitang ito upang malaman ang nasa likod ng sinasabing bentahan ng naturang protocol plates upang mapangalagaan ang kapakanan ng mga mambabatas.
Una nang nagpaimbentaryo si House Speaker Prospero Nograles Jr. ng No. 8 car plates na nakaisyu sa bawat mambabatas sa mababang kapulungan. Ito ay makaraang masangkot sa isang aksidente noong linggo ng umaga ang isang Nissan X-Trail (ZAK 158) na may nakakabit na plate #8 na nakapatay ng isang guardiya at nakasugat ng isa pa.
Ang naturang sasakyan na noon ay minamaneho ng isang Jayson Bautista ay nakarehistro sa isang Sharon Bautista ng #18 Agusting St. Brgy. Bungad, San Francisco del Monte QC na sinasabing anak ni Caloocan 1st district Congressman Oscar Malapitan. Una nang sinabi ni Suansing ang hangarin niyang malagyan ng distrito ang bawat naisyung protocol plates na 8 ng mga Kongresista upang agad malaman kung sino at kanino nakaisyu ito.
Ang bawat mambabatas ay inisyuhan ng 4 na pares na protocol plates na 8 para lamang sa apat na sasakyan na dapat ay sila ang gagamit. (Angie dela Cruz)