‘Bomba’ itinanim sa burger stand

Lumikha ng tensyon sa mga residente ng Cubao, Quezon City kahapon ng umaga ang nadiskubreng isang kahon ng bomba ngunit natuklasang peke pala.

Sa ulat ng Quezon City Police District-Explosive and Ordnance Division, dakong alas-2 ng madaling-araw nang madiskubre ang naturang ‘bomba’ sa bubungan ng isang burger stand sa kanto ng 1st at 6th Sts. sa Brgy. San Roque, Murphy, Cubao.

Ayon sa bantay ng burger stand na si Alvie Timbal, 29, isang grupo umano ng mga lalaki ang nag-iwan ng naturang kahon sa bubong pero hindi niya pinansin. 

Nakita naman ito ng isang grupo ng mga istambay sa naturang lugar na siyang nagbukas nito ngunit nagtakbuhan nang makita ang laman nito na mistulang mga dinamita na konektado sa mga electrical wirings.

Agad namang humingi ng responde sa QCPD ang mga opisyal ng barangay kung saan rumesponde ang bomb squad.  Nabatid na bukod sa mistulang dinamita at electrical wirings, meron ring detonator, 9 volt battery at molding clay ang laman ng kahon.

Sinabi naman ng pulisya na peke ang bomba dahil wala namang lamang sangkap ng pampasabog ang mistulang sticks ng dinamita habang laruan rin ang detonator. 

Nagbabala naman si Insp. Arnulfo Franco, hepe ng QCPD-EOD sa mga prankster na sumasakay sa gulo sa Mindanao na itigil na ang pananakot upang hindi na lumala ang pangamba na maaaring mag-spill over ang karahasan sa Metro Manila.  May katapat na parusa sa batas umano ang naturang pananakot sa oras na madakip ang mga ito.

Isinasailalim na ngayon sa imbesti­gasyon ang mga saksi sa insidente upang mailarawan at makilala ang mga suspek na naghahasik ng kaguluhan sa naturang lugar. (Danilo Garcia)

Show comments