Arestado ang isang 38-anyos na security guard matapos mabunyag ang pang-aabusong sekswal na ginawa nito sa 16-anyos niyang anak na kanya pang nabuntis sa Tondo, Maynila, sa ulat kahapon.
Dahil umano sa mga malisyosong text messages ng suspect na si Sofronio Gajo, 38, residente ng Bldg. 10, Permanent Housing, Tondo, Maynila sa biktima na nabasa ng ina nito, mas nabuo ang teorya ng ina na may nangyayari‚ sa pagitan ng dalawa lalo’t pinagdudahan na rin umano ang paglaki ng tiyan ng kanyang anak na kasalukuyang 4-na buwang buntis.
Kahapon ng hapon ay isinailalim sa inquest proceedings si Gajo sa kasong rape sa kanyang anak na biktima na itinago sa pangalang Daisy. Sa ulat ng pulisya, dinakip ang suspect sa tahanan nito nang ireklamo ng kanyang humiwalay na asawa (ina ng biktima) sa pulisya, kamakalawa ng gabi.
Ayon pa sa impormasyon, ang biktima ay may nakababatang kapatid na lalaki na nakatira sa ina nito matapos humiwalay sa suspect, habang ang biktima ay palipat-lipat ng paninirahan sa ina at ama na may kalive-in din na isang mas matandang babae.
Nadiskubre na mahigit isang taon nang nagpasasa ang suspect sa katawan ng anak, noong ito ay 15-anyos pa lamang at ang pinakahuling insidente ay naganap umano noong Abril ng taong kasalukuyan, na nagresulta sa pagdadalang-tao ng biktima. (Ludy Bermudo)