Nagdeklara na rin ng red alert status ang puwersa ng AFP-National Capital Region (AFP-NCRCOM) sa Metro Manila upang mapigilan ang posibleng paglulunsad ng mga pag-atake tulad ng pambobomba ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) renegades kaugnay ng opensiba ng tropa ng militar sa mga apektadong lugar sa rehiyon ng Mindanao.
Ayon kay AFP-NCR COM Spokesman Capt. Carlo Ferrer na epektibo alas-6 ng gabi nito pang Lunes ay ipinag-utos na ni AFP-NCRCOM Chief Major Gen. Arsenio Arugay ang pagtataas ng kanilang alerto. Sinabi ni Ferrer na pangunahin na nilang binabantayan ay ang instalasyon ng gobyerno sa Metro Manila na ikinokonsiderang ‘soft targets’ ng pag-atake ng MILF renegades tulad ng pambobomba.
Sa panig naman ni NCRPO chief Director Geary Barias, sinabi nito na epektibo alas-8 kahapon ng umaga ay itinaas na nila sa ‘full alert status’ ang buong puwersa ng NCRPO. Kabilang naman sa mahigpit na binabantayan, ayon kay Barias ay ang matataong lugar tulad ng MRT, LRT stations, bus terminals, daungan, paliparan, shopping malls, schools, simbahan at iba pa.
Nanawagan rin ang opisyal sa taumbayan na maging vigilante sa lahat ng oras at ireport sa mga awtoridad ang mga kahina-hinalang indibidwal na posibleng magsagawa ng paghahasik ng karahasan sa National Capital Region.