Natagpuang patay ang isang babaeng call center supervisor na may tatlong tama ng saksak sa leeg kahapon ng umaga sa Quezon City.
Nakilala ang biktima na si Rue Ann Salvador, 29, supervisor ng Pacific Business Group Limited at naninirahan sa #19 J. Vargas St. Western Bicutan, Taguig. Bukod sa mga saksak sa leeg, nagtamo rin ng mga pasa sa iba’t ibang bahagi ng katawan ang biktima.
Sa ulat ng Quezon City Police District-Criminal Investigation and Detection Unit, natagpuan ang bangkay ng bik tima dakong alas-5:30 ng umaga ng isang Benjamin Navarres, barangay tanod ng Brgy. Pinyahan sa gitna ng kalsada.
Hinihinalang pagnanakaw ang pangunahing motibo ng pamamaslang dahil sa nawawala ang cellphone, pitaka at iba pang gamit nito sa loob ng kanyang bag.
Sa salaysay naman ng kasamahan nito sa trabaho na hindi nagpakilala, huli niyang nakausap dakong alas-12:30 ng madaling-araw ang biktima sa cellphone. Sinabi nito na nagmamadali ang biktima at nakarinig pa ng boses ng lalaki bago maputol ang linya ng telepono.
Dakong alas-4 na ng madaling-araw nang makatanggap ang kaibigan nito ng text message buhat sa cellphone ni Salvador na plaka ng sasakyan (PGW-523). Matapos ang isang oras, nabalitaan na lamang nila na patay na si Salvador.
Hinihinala ngayon ng pulisya na maaaring biktima ng kilabot na “Ipit Taxi Gang” na nambibiktima sa mga babaeng mag-isang sumasakay sa taxi sa alanganing oras. (Danilo Garcia)