Kinumpirma kahapon ng Land Transportation Office (LTO) na hindi pagmamay -ari ng isang Kongresista ang isang sports utility vehicle na nagtataglay ng plakang otso at nasangkot at nakapatay ng isa sa naganap na aksidente sa Quezon City.
Batay sa record ng LTO, nakapangalan sa isang Sharon Bautista ng number 18 Agustin St., San Francisco del Monte Avenue, Quezon City ang nakabanggang Nissan X-Trail na may plakang ZAK-158.
Minamaneho ito ng isang Jayson Bautista Yap, 21, residente ng Morning Breeze Subdivision, Caloocan City, nang masangkot sa aksidente alas -2 ng madaling araw kahapon sa northbound lane ng Edsa, malapit sa U-turn slot sa Brgy. Bagong Pag-Asa, ng naturang lungsod
Taglay ng sasakyan ang protocol plate na 8 sa harap ng sasakyan kung kaya’t inakalang pag-aari ito ng Kongresista.
Patuloy naman ang pagtanggi sa pulis ni Yap kung pag-aari ng Kongresista ang minaneho niyang sasakyan. Pero ang nakapagtataka ay kung paano ito nagkaroon ng protocol plate.
Nasawi sa nabanggit na aksidente ang isang Marbert Raz, 30 , na ayon sa nasugatan niyang kasamahan na si Romy Rivera ay isang security guard sa isang establisyimento sa Cubao.
Sa impormasyon ng pulisya, rumaragasa ang sasakyan ni Yap nang banggain nito ang dalawang biktima. (Angie dela Cruz)