Operasyon ng LRT dinagdagan pa ng 1 oras

Tatagal na ng hanggang alas-11 ng gabi ang operasyon ng Line 1 at 2 ng Light Rail Tran­sit Authority (LRTA) simula ngayong umaga. Ito ang iniha­yag kahapon ni LRTA general manager Mel Robles sa isang pulong balitaan sa Quezon City matapos na personal na hilingin umano ito ni Pangulong Arroyo dahil sa pag­dagsa ng kahilingan ng publiko sa pamahalaan.

Sinabi ni Robles na tulong rin ito ng pamahalaan sa publiko matapos na marami sa mga motorista ang umiiwas sa pag­gamit ngayon ng sasakyan dahil sa taas ng presyo ng langis at nagsisiksikan na lamang sa mga pampublikong transportas­yon lalo na sa LRT.

Sa kanilang datos, umabot sa 11 milyon ang kabuuang pa­sahero nila sa Line 1 at Line 2 at umakyat ng 12.4 milyon sa buwan ng Hulyo.  Kasalukuyan namang nakapagtatala na sila ng 5.4 milyong pasahero mula Agosto 1- 14 na lagpas sa target nilang 5 milyon.

Nabatid na patuloy pa rin naman na nasa ilalim pa rin ng subsidiya ng pamahalaan ang dagdag na isang oras na ope­rasyon.  Ipinaliwanag nito na sa average na P14 na pasahe ng isang pasahero, P67 dito ang binabayaran ng pamahalaan sa pamamagitan ng subsidiya dahil sa P81 talaga ang dapat na ibabayad ng isang pasahero kung wala nito.

Inaasahan rin ng LRTA na mahigit sa 20,000 pasahero ang kanilang maisasakay sa isang oras na ekstensyon ng kanilang operasyon. (Danilo Garcia at Rose Tesoro)

Show comments