Pulis tugis sa pagpatay sa utol
Pinaghahanap ng kanyang mga kabaro ang isang pulis na nakatalaga sa Quezon City Police District (QCPD) matapos nitong mabaril at mapatay ang nakababatang kapatid ng dahil lamang sa asaran, sa harapan ng kanilang tahanan, sa Tondo, Maynila, sa ulat kahapon.
Nakilala ang suspect na si PO2 Auremento Amurao, 42, nakatalaga sa Talipapa sub-station, QCPD Station 3, matapos ideklarang dead-on-arrival sa Jose Reyes Memorial Medical Center (JRRMC) ang biktimang kanyang utol na si Joel Amurao, 39, binata, at residente ng 534 Road 3, Manotoc Subdivision, Gagalangin, Tondo, dahil sa tinamong isang tama ng bala sa dibdib.
Sa ulat ni Det. Virgo Villareal, imbestigador ng Manila Police District (MPD)-Homicide Section, ang insidente ay naganap dakong alas-10 ng gabi kamakalawa sa harapan ng kanilang tahanan.
Nabatid na habang nakahiga lamang sa kanilang papag ang biktima ay nabungaran ito ng suspect at sinabihan umanong “Buhay pa ba iyan?” patungkol sa nakahigang kapatid, habang nakaharap ang mga kaanak.
Dahil napahiya ang biktima ay mabilis na tumayo at nakipagsagutan sa suspect hanggang sa lumabas ng bahay ang dalawa.
Sa gitna ng init ng ulo diumano ay nagawang magbunot ng baril ng pulis at pinutukan ang kapatid na tumama sa dibdib nito. Mabilis na naisugod ang biktima sa ospital subalit patay na ito nang idating. Tumakas ang suspect bitbit ang 9 mm. service firearm na ginamit sa krimen. (Ludy Bermudo)
- Latest
- Trending