Tsinoy tiklo sa mga pekeng ‘Baby Wipes’
Nahaharap sa dobleng malas ang isang negosyanteng Tsinoy matapos dumulog sa pulisya ang kanyang minaltratong tauhan na nagbunyag din sa mga pekeng baby wipes na negosyo ng una, na nagdudulot umano ng panganib sa balat ng mga sanggol, sa Binondo, Maynila, kahapon ng hapon.
Pinipigil na sa Manila Police District-Station 11 ang suspect na si Kenny Chua, 43, ng # 886 P. Alvarado St., Binondo, Manila.
Sa reklamong idinulog ni Jimmy Suminod, stay-in helper ni Chua, na madalas siyang saktan ng amo.
Bukod dito, ibinunyag din nito ang mga pekeng baby wipes na may brand na “Baby Tender” na kasalukuyang nakakalat at isinusuplay ng kanyang amo sa mga kilalang mall.
Sa kasalukuyan, nagko-concentrate pa lamang sa kasong paglabag sa pagnenegosyo ng walang business permit ang tinututukan ng mga kinauukulan laban sa suspect.
Nabatid kay Suminod na ang nasabing baby wipes ay inilulubog lamang sa isang drum ng maruming tubig na may halong pabango. Hindi umano ligtas gamitin ito lalo na sa mga sanggol na maselan ang balat na nagdudulot ng rashes.
Pansamantalang sinampahan muna ng paglabag sa Ordinance No. 7794 at Engaging in Business without Business Permit and Municipal License ang suspect na inaasahang mapapatungan pa ng ibang mas mabigat na kaso. (Ludy Bermudo)
- Latest
- Trending