11 ‘tulak’ ng droga arestado ng PDEA
Labing-isa katao kabilang na ang babaeng live-in partner umano ng clerk of court ng Quezon City Hall of Justice ang nadakip sa magkahiwalay na operasyon ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa naturang lungsod.
Kinilala ni PDEA-Complaint and Reaction Unit chief, Major Val Lopez ang nadakip nilang si Helen Montellana, 32, ng #52 Masikap St., Brgy. Central, ng naturang lungsod.
Nakuha sa poses yon nito ang isang plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu at P5,000 na marked money.
Nadakip naman sa operasyon ng PDEA-Metro Manila Regional Office sina Ino Gampong, 35, isang barangay tanod; Husain Bangon, 34; Jaimal Marahim, 34; Jenny Jong Swerte, 35; Marlyn Angac, 37; Ernesto Fulgencio, 41; Edward Cansi, 23; Nel Sandamon, 33; Ryan Hajilon, 26, pawang mga residente ng Kampo Islam, San Miguel St., Camp Site, Brgy. Payatas A, Quezon City at si Edwin Liwag, 29, ng #108 San Pascual St., Brgy. Commonwealth, ng naturang lungsod.
Ayon kay PDEA-MMRO chief, Sr. Supt. Benjamin Magalong, matagal na nilang isinasailalim sa surveillance operations ang naturang lugar dahil sa lantarang pagbebenta ng mga tulak. Hindi umano nila mapasuk-pasok ang naturang lugar dahil sa paparating pa lang ang mga operatiba ay may nagpapaputok na habang agad namang pumapasok sa Mosque ang mga tulak para makaiwas sa pag-aresto.
Nabatid na nagpanggap umano ang mga operatiba na mga tauhan ng isang delivery van ng appliances habang isang asset ang nagpanggap na buyer. Hindi na nakatakbo ang mga suspek nang palibutan na ng mga operatiba ang pinagkukutaan nilang bilyaran matapos na magkabilihan ng iligal na droga. Umaabot naman sa higit P300,000 halaga ng iligal na droga at iba’t ibang shabu pa raphernalia ang nakumpiska sa posesyon ng mga suspek.
Nakadetine ngayon ang mga suspek sa PDEA detention cell at nahaharap sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. (Danilo Garcia)
- Latest
- Trending