Biktima ng rape-slay, kilala na

Kinilala na kahapon ng kanyang sariling ama ang dalagang biktima ng rape-slay at itinapon sa madamong bahagi ng Diosdado Macapagal Avenue sa Parañaque City kamakalawa ng madaling-araw.

Positibong kinilala ni Freddie Aguipo,49,  ng 2961 Lorenzo dela Paz St., Beata, Pandacan, Manila, ang kanyang anak na si Pamela Anne Aguipo, 24, nang puntahan niya ang bangkay ng huli sa GD Mesina Funeral Homes, Pulang Lupa, Las Piñas City na pinag­dalhan sa biktima kamakalawa ng gabi.

Sa panayam kay Aguipo, huli niyang nakitang buhay ang kanyang anak noong Linggo ng gabi at kasabay pa niyang kumain ng hapunan bago siya nagtungo sa burol ng kanyang kapatid na si Teresita sa Tondo, Maynila dakong alas-8 ng gabi. Sinabi umano sa kanya ni Pamela na susunod na lamang siya sa lamay ng tiyahin, bagama’t ayon sa nakababatang kapatid ng biktima na si Claribel, 22, nagpaalam sa kanya ang una na gigimik muna bago magtungo sa burol nito.

Ayon kay Claribel, huling nag-text sa kanya ang ka­patid dakong ala-1:45 ng madaling-araw nitong Lunes at tinatanong pa kung dumating na sa bahay ang ka­nilang ama. Nang hindi umuwi si Pamela ay labis na silang nag-alala hanggang sa puntahan sila ng isang empleyado ng naturang punerarya at ipinakita ang kan­yang handbag at isang NBI clearance na natagpuan sa tabi ng bangkay nito.

Sinabi ni Claribel, matapos nilang malaman ang ma­lagim na sinapit ng kapatid, itinext niya kaagad ang ka­ibigan ng biktima na kinilala lamang sa pangalang “Janet” na umano’y huling kasamang gumimik ng nasawi sa Luneta. Sinabi umano ni Janet kay Claribel na sumama sa isang lalaking naka-itim na sleeveless shirt si Pamela at sumakay sa Basic taxi na hindi niya nakuha ang plate number at hindi na bumalik sa kanilang tambayan sa Luneta. Ayon pa kay Janet, inabot pa siya ng umaga sa paghihintay sa biktima sa Luneta kung saan ay hindi na ito nagpakita sa kanya at maging ang cellphone nito ay hindi na rin makontak.

Sa isinagawa namang pag-awtopsiya sa bangkay ng biktima, natuklasan na isang tama ng bala ng kalibre .38 baril sa likurang bahagi ng ulo ang ikinamatay nito at may palatandaan din na ginahasa muna ito bago tuluyang pinas­lang. Isang masusing imbestigasyon pa rin ang isinasagawa ng pulisya ukol dito. (Rose Tamayo-Tesoro)

Show comments