2 holdaper todas sa shootout

Patay ang dalawang hi­ni­hinalang holdaper ma­ karaang makipag­ba­rilan sa mga tauhan ng Que­zon City Police Dis­trict (QCPD) kahapon ng uma­ga sa naturang lungsod.

Patuloy pa ring kiniki­lala ng mga awtoridad  ang mga nasawi.  Inilara­wan  ang isa  na nakasuot ng puting t-shirt, asul na shorts, at pulang bullcap, habang ang isa naman ay nakasuot ng camou­flage na shorts, gray na t-shirt at maigsi ang buhok.

Sugatan naman ma­ta­pos na madaplisan ng bala ang pulis na si PO2 Amir Abbas, nakatalaga sa QCPD-Station 11 at isang hindi pa nakikila­lang barangay tanod.

Sa inisyal na ulat ng QCPD-Criminal Investi­gation and Detection Unit, naganap ang insi­dente dakong alas-8 ng umaga sa kahabaan ng Araneta Avenue malapit sa hangganan ng Sta. Mesa, Maynila.

Ayon sa report, nag­sa­sagawa ng checkpoint ang mga tauhan ng Station 11 nang parahin ang dalawang motorsiklo sakay ang apat na lalaki.

Sa halip na huminto, pina­sibad ng mga suspek ang mga motor na hina­bol naman ng Mobile Unit 111.  Nabatid na bumaba umano ang dalawa sa mga suspek at pinapu­tukan ang mga pulis na agad namang gumanti.

Nabatid na hinagisan pa umano ng granada ng mga suspek ang mobile car ng mga pulis kung saan masuwerte na hindi ito sumabog. Narekober ng mga aw­to­ridad  ang dalawang kalibre .45 baril na gamit ng mga salarin at ang hindi sumabog na gra­nada.  Pinaghahanap naman ngayon ang da­lawa pang suspek lulan ng dalawang motorsiklo na tumakas at iniwan ang kanilang dalawang na­sawing kasamahan.

Sinabi sa ulat na po­sible umano na naka­takdang magsagawa ng panghoholdap sa mga depositor ng isang banko sa bisinidad ang mga salarin nang masabat ito ng mga pulis.

Show comments