Isang babae na pinaniniwalaang biktima ng rape-slay ang natagpuang nakahandusay sa madamong lugar sa dulong bahagi ng Diosdado Macapagal Blvd., kahapon ng madaling-araw sa Parañaque City. Biyak ang bungo at lumabas na ang utak ng biktima nang ito ay suriin ni PO3 Jhonny Margate ng Criminal Investigation Division ng Parañaque City Police matapos matagpuan dakong alas-5:30 ng madaling-araw sa naturang lugar malapit sa Brgy. Don Galo ng nabanggit na lungsod.
Ayon kay Margate, hindi pa matiyak kung binaril o pinalo ng matigas na bagay ang biktima na naging sanhi ng pagkabasag ng bungo nito.
Bukod naman sa nakataas hanggang leeg ang suot na bra, nakababa rin ang suot na maong short pants at panty ng biktima kaya’t pinaniniwalaang hinalay muna ito bago pinaslang.
Tinataya namang nasa pagitan ng edad 25-30 ang biktima na may taas na 5’3’’– 5’4’’, makinis ang balat na kayumanggi at may magandang mukha.
Natagpuan din sa tabi nito ang isang pulang handbag na naglalaman lamang ng make-up kit at isang lumang NBI clearance na may pangalang Claribel Agupo, 23, ng Lorenzo dela Paz St., Pandacan, Manila.
Posible ring sa ibang lugar hinalay at pinatay ang biktima at itinapon na lang sa kinatagpuang lugar upang iligaw ang imbestigasyon ukol dito. (Rose Tamayo-Tesoro)