Nagngingitngit na dumulog sa himpilan ng pulisya ang isang ginang na nagnanais makapagtrabaho sa ibayong dagat makaraang matangayan ng humigit kumulang sa P157,000 ng isang pekeng recruitment agency.
Ayon sa reklamo ni Leonor Maningo, 36, ng #73 Nimbas St., Moonwalk Village, Las Piñas City, noong Nobyembre 2005, nabasa niya sa classified ad ng isang pahayagan na ang OTA International Promotion & Manpower Corporation na nasa #2808 Taft Avenue Ext., Pasay City ay nangangailangan ng residential support worker sa Australia.
Dahil nakasaad sa anunsiyo ang pangakong P70,000 sahod kada-buwan, nakumbinsi ang biktima na mag-aplay sa naturang ahensiya at nakausap ang isang staff personnel na nagpakilalang Australian national.
Sinabi ng biktima na- ininterbyu siya ng babae at pinaghahanda siya ng mga requirement at aabisuhan para sa final interview.
Lumipas ang tatlong buwan, tinawagan si Maningo ng ahensiya para mag-report sa orientation at posibleng deployment at hiningi ang placement fee. Nagsanla pa siya ng mga kagamitan at ibang ari-arian kaya, noong Enero, nagbigay siya ng P120,200 sa isang marketing manager for Australia na si Michael Sermino at asawa nitong si Mariel.
Kinabukasan, muling nagbigay ang biktima sa mag-asawa ng halagang P37,500 para sa proseso ng mga dokumento at ipinangakong makapagtatrabaho siya sa Australia nito sanang nakaraang Pebrero 2008.
Naghintay sa wala ang biktima at natuklasan na ang recruitment agency ay naglahong parang bula at nabalitaan na lamang na ang mag-asawang Serminio ay nagtatago sa Biñan, Laguna kaya kahapon ay nagtungo na siya sa pulisya. (Rose Tamayo-Tesoro)