2 konsehal sa Maynila nagmurahan sa konseho

Naghari ang tensyon sa session hall ng Manila City hall nang  komprontahin ni Manila 5th District Councilor Roderick Valbuena  si Manila 2nd District Councilor  Abel Viceo nang ipa-raid umano ng  huli ang  nightclub ng una sa  mga tauhan ng Special Operation Group (SOG) at sa Bureau of Permits.

Naging mabilis naman ang pag-awat  ni 3rd district coun­ cilor Ramon Morales  sa dalawang konsehal na noo’y nagsi­sigawan, nagmumura­han  at nagpalitan ng salitang “bakla at “bulol”.

Ayon kay Valbuena, hindi na umano siya makapagpigil sa ginagawang pangha-harass  ni Viceo sa kanya na isa sa mga opisyal  ng  Manila Entertainment  Music Lounge  Asso­ciation (MEMLA) kung kaya’t kinompronta na  niya ito habang naka-recess ang session kamakalawa.

Sinabi ni  Valbuena na  nagsimula lamang ang  umano’y moro-morong raid  ng mga pulis sa mga club dahil na rin sa  pagtanggi nilang  sumali sa nasabing asosasyon na mayrong monthly dues na P2,000 kada buwan.

Katwiran ni Valbuena, wala namang iligal sa kanilang club kung kaya’t  hindi siya dapat na makiusap. Aniya, kung may­roon mang iligal sa kanyang club ay maaari namang salakayin ito at kasuhan siya at doon na rin siya sa korte magpa­paliwanag.

Bukod dito, sinabi din ni Valbuena na  si Viceo  at isang Ruther Batuigas ang nagpapakalat ng mga  mapanirang salita laban kay Manila Mayor Alfredo Lim  subalit siya umano ang  napagbibintangan.

Mariin namang itinanggi ni Viceo ang   pahayag ni  Valbuena sa pagsasabing wala siyang  utos na salakayin ang kanyang night­club at hindi niya pinakikialaman ang negosyo nito.  Na­gulat  na lamang siya nang bigla siyang  sigawan at murahin ni Valbuena habang nasa recess ang session.

Nagpahayag ng pagkadismaya ang mga kasamahan ng dalawang konsehal sa inasal ng mga ito dahil ang pinag-ugatan lamang umano ay kung sino ang dapat na maghari sa mga nightclub owners.

Show comments