Namatay noon din ang isang 20-anyos na estud yante makaraang resbakan ito at pagbabarilin ng tatlong magkakamag-anak na hinihinalang drug addict ma tapos pagbintangan ng mga huli na “asset” ng pulis ang ama ng una, kamakalawa sa Pasay City.
Mga tama ng bala sa ulo at tiyan ang tumapos sa buhay ng biktimang si Jun Martin Lim, 20, ng 704-A Apelo Cruz St., ng nabanggit na lungsod.
Kritikal naman ang kapitbahay ng nasawi na si Noli Cuario, 30, empleyado, ng ACX Transport Inc. nang tamaan ito ng ligaw na bala kung saan nilalapatan ito ngayon ng lunas sa Pasay City General Hospital (PCGH).
Samantala, agad namang tumakas matapos ang insidente ng pamamaril ang magkakamag-anak na suspect na sina Michael Mijos, nakatatandang kapatid na si Marlon at tiyuhing si Max Mijos.
Sa isinagawang imbestigasyon ng Pasay Police, dakong alas-4 ng hapon nang mangyari ang nasabing insidente sa harapan ng Island Gas na matatagpuan sa Malibay, Pasay City.
Bago ang insidente ay una umanong kinompronta ni Michael ang ama ng biktima na kinilalang si Julian Lim, 47, negosyante, habang nakaalalay ang nakatatandang kapatid na si Marlon at tiyuhing si Max kung saan inakusahan ng mga ito na “asset” ng pulis ang matandang Lim na siyang nagpapahuli sa mga adik sa kanilang lugar.
Sa gitna ng mainitang komprontasyon, binunot ni Michael ang dalang kalibre .45 at binaril ang ama ng biktima pero masuwerteng hindi tinamaan.
Sa puntong ito, agad na lumabas ng bahay ang biktima nang marinig ang putok ng baril at dito siya naman ang pinagbalingang barilin ng mga suspect na naging sanhi ng agaran nitong pagkamatay, habang tinamaan naman ng ligaw na bala si Cuario.