Libu-libong mga pasahero ng Light Rail Transit (LRT) ang na-stranded matapos ipahinto ng pamunuan nito ang mga biyahe ng kanilang tren mula sa Sta. Cruz hanggang sa Monumento dahil sa makapal na usok sanhi ng pagkasunog ng isang gusali sa Carriedo Station kahapon ng umaga.
Sa nakalap na impormasyon, pinahinto ng pamunuan ng LRT ang mga biyahe ng kanilang tren dahil halos hindi na makita ang riles dahil sa kapal ng usok nang masunog ang Good Earth Plaza sa Carriedo Station. Dahil dito, libu-libong mga pasahero ng LRT ang na-stranded at karamihan pa sa mga ito ay nahuli sa kanilang pagpasok sa trabaho at eskuwela dahil sa hirap ng pagkuha ng masasakyang jeep at taxi.
Naging masikip din ang daloy ng trapiko sa kahabaan ng Rizal Avenue Extension sa Caloocan City dahil sa dami ng mga pasaherong naghihintay sa muling pagpanumbalik ng operasyon ng LRT.
Naging alerto naman ang mga tauhan ng Caloocan City Police sa posibleng pananamantala ng mga holdaper at snatcher sa Monumento area ang pagdagsa ng tao sa hagdanan ng Monumento Station ng LRT. Habang sinusulat naman ang balitang ito ay hindi pa rin nanumbalik sa normal ang biyahe ng LRT, habang patuloy namang naghihintay ang mga pasahero sa paanan ng Monumento Station. (Rose Tamayo-Tesoro)