Sa halip na mamalimos o manghingi ng pagkain, balak ngayon ng Quezon City Police District (QCPD) na gawing “kiddie cops” ang mga batang kalsada upang maging tagasumbong ng mga kahina-hinalang indibidwal para mabawasan ang krimen sa lungsod.
Nakatakdang umpisahan ang programa ngayong darating na Sabado kung saan 20-25 batang kalye na may edad 10-15-anyos ang dadalhin nila para sa seminar sa Camp Karingal upang turuan ang mga ito na tumukoy ng mga kahina-hinalang suspek at kung paano ang sistema ng pagsusuplong nila sa awtoridad.
Nabuo ang konsepto na ito ni QCPD-Station 10 Supt. Aspirino Cabula matapos na mapansin nito ang dumaraming bilang ng mga batang kalye na namamalimos sa Timog, Tomas Morato at Quezon Avenue.
Sinabi nito na ide-deploy ang mga “kiddie cops” sa mga lugar na sakop ng Station 10 at aaktong nor mal lang ang sitwasyon habang nagmamanman at palihim na magbibigay ng impormasyon sa mga pulis ukol sa kahina-hinalang indibidwal para mabawasan ang insidente ng holdap, robbery, at snatching.
Sa isyu ng seguridad ng mga bata laban sa mga sindikato ng krimen, sinabi ni Cabula sa PSN na nakakatiyak siya na hindi mangyayari iyon dahil sa palagi umanong may naka-deploy na mobile patrol sa mga lugar na pagtatalagahan nila ng mga “kiddie cops”.
Dahil sa programa, malilimitahan umano ang lugar na pagkikilusan ng mga kriminal dahil sa alam nilang minamatyagan sila. Hindi rin ininda ni Cabula ang posibleng pagreklamo ng Commission on Human Rights (CHR) dahil sa paggamit sa mga bata sa paglaban sa krimen.
“Anong gusto nila, forever na lang maging eyesore at manghingi ng pagkain ang mga bata. Ang mas maganda, I am hitting two birds in one stone kung saan tatanggalin natin ang eyesore, pagagandahin ang mga lugar at magagamit ang mga bata sa peace and order campaign. I’m just being practical,” ayon kay Cabula.