May 20 menor-de-edad na kabataang biktima ng human trafficking syndicate ang nasagip habang naaresto naman ang mga miyembro ng sindikato sa pagsalakay ng pwersa ng pulisya, Office of the Vice President, at Anti-Transnational Crime Division-Criminal Investigation and Detection Group ang “casa” na pinagdalhan sa mga biktima kamakalawa ng madaling-araw sa Barangay Maharlika, Taguig City.
Batay sa ulat kahapon ng Taguig Public Information Office, ang mga biktima ay pawang mula sa Mindanao at may mga edad na 12 anyos.
Nasagip sila nang salakayin ng mga awtoridad ang isang “casa” sa Block 4, Old Housing, No. 69 Pendatun St. sa Barangay Maharlika.
Isang miyembro ng sindikato na kinilalang si Nasser T. Dani, 27, liaison officer ng Maynor International Manpower Services at residente ng Brgy. Maharlika, Taguig City ang naunang nadakip.
Kasong paglabag sa Anti-Trafficking in Persons Act of 2003 naman ang isinampa laban kay Dani at mga kasamahan nito na sina Noria Talumpa, owner/manager; Whemie Albarasin, secretary; Maila Laguilay, co-owner ng Maynor sa 1360 Leon Guinto St., Ermita, Manila; mga recruiter na sina Laga Lipolles, alias Sonny, alias Wahida, alias Auntie Hajar at alias Ate Ay, habang pinaghahanap pa ang iba pang mga miyembro ng sin dikato. (Rose Tamayo-Tesoro)