Naipit at nasugatan ang isang 25 -anyos na driver matapos na araruhin ng isang rumaragasang bus ang minamaneho nitong sasakyan kahapon ng madaling-araw sa Fairview, Quezon City.
Nakilala ang biktima ay nakilala lamang sa pangalang Julius Mendoza na may halos isang oras din na nakuha mula sa pagkakaipit niya sa loob ng van makaraang salpukin ng bus sa kahabaan ng Regalado Avenue sa naturang lungsod.
Gayunman, inabsuwelto naman ng mga pulis ang driver ng bus na nakilalang si Rodrigo Conde sa naganap na insidente makaraang lumabas sa inisyal na imbestigasyon na nasa right lane ang minamaneho nitong bus nang maganap ang aksidente.
Patuloy namang binusisi ng QC traffic ang insidenteng ito.
Samantala, sinisi naman ng isang motorista ang kontrobersiyal na U-turn slots ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa south-bound lane sa Commonwealth Avenue sa isa pang aksidente sa lansangan kahapon ng umaga.
Ayon sa driver na si Juan Gomez, hindi niya namalayan ang pagsabit sa concrete barrier malapit sa U-turn slots sa nabanggit na lugar dahilan upang siya ay sumadsad sa center island. Wala namang napaulat na nasugatan sa aksidenteng ito. (Angie dela Cruz)