Pinasalamatan ng pinuno ng isang transport group si Quezon City Mayor Sonny Belmonte sa ginawang pagsalakay at pagpapamulta nito sa maraming gasoline stations sa lungsod na hindi calibrated ang mga makina.
Sinabi ni Obet Martin, pangulo ng Pasang Masda, na dapat tularan ng ibang lungsod ang ginawang pagpapasara ni Belmonte sa mga gas station na hindi eksakto ang ibinibentang gasolina sa mga motorista.
Sa isang pulong-balitaan sa Quezon City, nanawagan rin si Martin sa mga jeepney drivers na magdala na ng 1-litrong bote na kanilang gagamitin na panukat sa pagpapakarga ng gasolina upang makatiyak na hindi sila nadadaya ng mga kompanya ng langis.
Samantala, sinabi naman ni Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Chairman Bayani Fernando na kanilang tinatapos na ang mga loading at unloading terminals para sa mga bus at jeepney sa kahabaan ng Commonwealth Avenue bilang bahagi ng programang “Discipline Zone”na una na nilang inilunsad. Ito’y matapos ang batikos ng ilang residente na kawalang-pakinabang ng mga una nang naitayong terminals na hindi pa binubuksan hanggang ngayon.
Sinabi ni Fernando na sabay-sabay na umano nila itong bubuksan kapag nakumpleto na ang mga itinatayong terminals sa buong Commonwealth Avenue upang hindi magkaroon ng kalituhan sa mga motorista at mga pasahero. (Danilo Garcia)